Hanggang dalawa katao lamang, ‘driver’ at ‘backrider’, ang maaaring sumakay sa motorsiklo na nakasuot ng hindi madilim o ‘tinted’ na ‘full face shield crash helmet’ sa pagbiyahe sa Quezon City.
Ito ang nilalaman ng panukalang ordinansa ni Konsehal Jaime Borres ng ikatlong distrito ng QC na nagsusulong sa pagsusuot ng ‘standard quality crash helmet’.
Ayon kay Borres, lumalabas sa istatistika na tumaas ang bilang ng aksidente na kinasasangkutan ng motorsiklo sa nakalipas na anim na taon.
Malaki ang paniniwala ng konsehal na sa pamamagitan nang paggamit ng ‘standard quality crash helmet’ ay mas mabibigyang proteksyon ang ‘driver’ at ‘rider’ kumpara sa mga hindi nagsusuot ng helmet.
Sa ilalim ng panukala, kailangang nagsusuot ng helmet ang ‘driver’ at ‘rider’ ng motorsiklo. Dapat ding may nakadikit na ‘reflectorized number sticker’, na may sukat na 7×4 inches at plaka ng motor sa gilid ng helmet.
Hindi rin dapat masyadong madilim o tinted ang face shield ng helmet.
Sinabi ni Borres na makakatulong din ang mga probisyon na ito para labanan ang krimen lalung-lalo na yaong sinasabing riding in tandem na nakasuot ng sobrang tinted na helmet para hindi makilala.
Ang sinumang lalabag sa probisyon ay maaaring ma-impound ang motorsiklo, makumpiska ang lisensiya at pagmultahin ng P3,000. -30- Divine/ Maureen Quinones, PAISO