KAKULANGAN ng puhunan ang sagwil upang magamit ang pagtuturong isinagawang kasanayan, yan ang pag-aaming binanggit ni Kagawad Jose Agustin Maghacot na mas kilala sa tawag na ‘Jam’.
Sa isang panayam na ating isinagawa kay Kagawad Jam ay sinabi nyang nanghihinayang sya sa ilang mga kabarangay nyang dumaan na sa pagsasanay na ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan subalit naging kapansin-pansin aniya na ilan sa mga ito ay hindi pinakikinabangan ng husto dahil sa kawalan ng pera upang simulan ang isang negosyo.
Sa kasalukuyan ay sumusubok syang humanap ng pamamamaraan upang malutas ang ganitong suliranin ng kanyang mga kabarangay. Isa nga sa naiisip nya ay ang programa ng Sikap Buhay na syang posibleng magkaloob ng tinatawag na ‘micro financing assistance’.
Sa kabilang banda, nalulungkot sya sa kaalamang marami sa kanyang mga kabarangay din lalo na sa lugar ng Loans, Insurance, San Roque at Venus na pawang nasa ilalim ng tinatawag na ‘high tension wires’ ang maapektuhan at posibleng mapaalis sa kani-kanilang lugar dahil marami sa mga ito ang sa mismong barangay na nila isinilang, lumaki at nagsipag-asawa na. Subalit aniya, higit na mahalaga ang buhay at kaligtasan ng kanyang mga kabarangay bagaman marami sa mga ito ay malapit sa kanya at naging dahilan ng kanyang pagkapanalo bilang Kagawang nang nagdaang eleksiyong pambarangay.
Sa pakikipag-usap natin sa isang residente na si Cirila Pascual, may limang (5) anak at 31 taon nang naninirahan sa nasabing barangay ay isa sa mga pamilyang nakatira sa ilalim ng ‘high tension wire’ na sila ay wala umanong tutol kung sila ay paalisin sa kanilang lugar subalit ibig nilang sila ay may malipatan namang bahay dahil sa tulad nya na asawa umano ng isang namamasahero ng tricycle ay hindi na kaya ng kita ng kanyang asawa ang umupa pa ng bahay na kakasya para sa tulad nilang may malaking pamilya.
Matatandaan na si Jam Maghacot ay ilang buwan pa lamang na nakapuwesto bilang Kagawad ng Barangay Sangandaan at naitinalagang Chairman ng Livelihood kaya’t kapuna-punang pangkabuhayan ng kanyang mga kabarangay ang sentro ng kanyang mga programa at pinagsusumikapang hanapan ng solusyon upang maitaas ang kalidad ng buhay ng kanyang mga kabarangay.
Dagdag pa ni Kagawad Jam na bukas sya sa lahat ng mga tulong na nais ipagkaloob sa kanilang barangay, hindi lamang mga kanasayan na ipinagkakaloob na rin ng lokal na pamahalaan kundi mga oportunidad nang pagbibigay ng ideya, makatotohanang kaalaman at pamamaraan kung paano mareresolba ang kahirapan ng maraming nagugutom na Pilipino kasama dito ang kanyang mga kabarangay.