Ipinag-utos ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na sagutin ng QC government ang funeral at burial expenses para kay Joven Ogsimer, 1 taon at 4 na buwang gulang na batang nasawi sa sunog sa Barangay Culiat, nitong Lunes ng hapon.
Ang tulong ay idadaan sa social services development department ng lungsod. Ang bangkay ng biktima ay nakaburol sa isang chapel sa Purok Uno at ililibing sa Bagbag cemetery.
Ayon kay Jocelyn, ina ni Joven, naiwan ang bata kasama ang limang taong gulang nitong kapatid sa bahay nang magkaroon ng sunog. Nagawang makaligtas ang kapatid ni Joven sa sunog.
Tinatayang nasa 156 mahihirap na pamilya ang nawalan ng tirahan sa nasabing sunog sa Culiat na pangalawa na naganap sa siyudad noong nakaraang Lunes. Marami sa mga ito ang pansamantalang nanirahan sa flyover construction site sa Luzon Avenue.
Inalok naman ng gobyerno ang Culiat High School bilang evacuation center para sa mga biktima ng sunog. Naglaan din ang pamahalaan ng food assistance sa mga ito.
Nagbigay din ng ganitong tulong ang pamahalaan sa may 405 pamilya na nasunugan nitong Lunes sa BIR Road at Barangay Central. Pansamantala muna silang naninirahan sa PAGASA covered court at lumipat din malapit sa lugar na nasunog.
Nanawagan naman si Secretary to the Mayor Tadeo Palma sa mga biktima ng sunog na samantalahin ang relocation program na inaalok ng National Housing Authority (NHA) sa Rodriguez, Rizal.
Ang Bureau of Internal Revenue (BIR), na nagmamay-ari ng lupa na kinatitirikan ng mga bahay ng mga nasunugan, ay may nakalaang 140 housing sites sa relocation site sa Rodriguez. -30- Divine/ Maureen Quinones, PAISO