KAUGNAY sa paggunita ng ika-69 na taong Araw ng Kagitingan ay naglunsad ang Philippine Veterans Bank ng isang eksibit nitong Sabado, Abril 9 sa Glorietta 5, Ayala Center, Makati.
Ang isang linggong eksibit ay may temang “War of Fathers” ma ipinakikita ang mga alaala ng mga kaganapan noong ikalawang digmaang pandaigdigan tulad ng mga lumang larawan, mapa, kagamitan na sumisimbolo sa katapangan, pagkamakabayan at pagkilala sa mga Pilipino- Babae at lalaki na lumaban at namatay para makamit ang kalayaan ng ating bansa mula noong panahon ng hapon hanggang liberasyon.
Layunin ng eksibit na matutunang pahalagahan ng kasalukuyang henerasyon ang kalayaan upang lubos na mainawaan ang kasaysayan ng bayan.
Ayon kay Philippine Veterans Bank Vice President Miguel Angelo-Villareal at pinuno ng Corporate Communications na ginawa nila ang eksibit upang bigyang parangal ang mga beteranong Pilipino na siya ring pangunahing pinaglilingkuran ng kanilang bangko.
Dapat lamang umano na lingunin ng ating mga kabataan ang mga Pilipinong nagbuwis ng kanilang buhay makamtan lamang ang kalayaan na siyang tinatamasa natin ngayon.
Dagdag pa ng butihing Bise President ng PVB na inaanyayahan nya sa libreng eksibit ang publiko upang pasyalan at personal na masilayan ang mga larawan at mga gamit ng mga beterano.