PINABULAANAN ni Pacifico F. Maghacot, Jr. Assistant City Administrator at Officer In-Charge ng Business Permits and Licensing Office ang napabalitang mga tauhan ng kanyang tanggapan ang bumibisita at nagsasagawa ng inspeksyon sa mga botika sa Lungsod Quezon.
Kamakailan ay binanggit ng isang lingguhang talakayan na naglipana aniya ang mga nanghuhuli sa mga botika kaugnay sa pagsasagawa ng biglaang inspeksyon kahit gabi o kapag araw ng Sabado at Linggo.
Sa panayam na isinagawa nina Cathy Cruz ng DWAD, Raffy Rico ng Manila Star at Mike Jotojot ng “Happy Morning” kay Ginoong Pax Maghacot na walang katotohanan ang isyung ito sapagkat kailanman ay hindi nagsasagawa ng operasyon ang mga Inspektor ng kanyang tanggapan sa BPLO tuwing araw ng Sabado, Linggo o maging ‘Holidays’. Ang oras na puwede lamang umikot ang kanyang mga dalawampu’t apat (24) na Inspektor tuwing alas otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon (8:00 A.M.-5:00 P.M.) kapag araw ng Lunes hanggang Biyernes lamang at tanging may operasyon lamang kapag gabi ay sa mga ‘night club’.
Dagdag pa ng masipag na OIC ng BPLO na hindi na kinakaya pa ng bilang ng kanyang mga Inspektor ang tinatayang pitumpu’t apat na libong (74,000) establisyemento sa lungsod kaya’t nagsasagawa lamang sila ng biglaang operasyon o inspeksiyon kapag may nagsumite ng reklamo sa kanilang tanggapan.
Babala na lamang ni Pax sa publiko lalo na sa mga negosyante o mga may-ari ng establisyemento na bigyan ng oryentasyon ang bantay ng kanilang tindahan maging ito man ay botika na hingin ng kaukulang ID ang sinumang magpapanggap na Inspektor ng kanilang tanggapan at tumawag sa teleponong nakalagay sa nakapaskil na ‘Business Permit’ sa kanilang establisyemento at huwag na huwag umano kaagad maglabas ng pera o magbayad bilang suhol sa mga Inspektor sa takot na sila ay hulihin at posibleng makasuhan o ipasara.
Paglilinaw din ng nasabing opisyal na hindi ang kanilang tanggapan ang nagsasagawa ng inspeksyon sa mga botika kundi ang City Health Department. Pumapasok na lamang umano ang kanilang BPLO sa sandaling inindorsyo ng City Health Department sa BPLO ang reklamo o ‘findings’ nila.