AYON kay Vice Mayor Joy Belmonte, Chairperson ng QC Anti-Drug Abuse Coordinating Advisory Council ay inaasahan umanong magagamit na sa loob ng tatlong buwan ang matatapos nang “Drug Testing Laboratory” na nagkahalaga ng kalahating milyong piso.
Ito ay kaugnay pa rin sa pagpapaigting ng kampanya kontra droga ng Lungsod Quezon at sa kasalukuyan ay tumatanggap sila ng mga medical technologist at nurses upang matiyak ang epektibong serbisyo ng nasabing laboratoryo lalo pa at tiyak na dadagsa ang magpapasuri dahil inobliga ng Department of Education ang mga estudyante sa Lungsod Quezon na sumailalim sa ‘drug testing’.
Ang serbisyo ng pagsusuri ay libre at pmamahalaan ng nasabing lungsod subalit ang ‘testing kit’ ay mabibili lamang sa halagang bente pesos.
Samantala, maituturing ang mga barangay ng Culiat, Sta. Monica, Novaliches, Roxas, San Antonio, Sauyo, Paltok, Capri at E. Rodriguez na nasa listahan ng PDEA bilang ‘hot spots’.
Kaugnay sa RA9165 ay matatandaan na puspusan ang kampanya ng lokal na pamahalaan upang isakatuparan ang mga hakbangin upang tuluyang masugpo ang problema sa droga at nilalayon na ang Lungsod Quezon ay ituring na ‘Drug Free Community’ sa bansa.