KAUGNAY sa mga nangyayaring kalamidad sa iba’t ibang panig sa mundo nagsagawa ng pag-aaral ang Japan Science and Technology at Japan International Corporation Agency katuwang pa rin ang Philvocs-DOST upang mabawasan ang matinding pagkasira ng ari-arian at pagkawala ng buhay ng mamamayan sa tuwing darating ang mga di inaasahang lindol.
Sinabi ni Dir. Renato Solidum ng Philvocs na ayon sa pagsusuri ay marami ang nagbabagsakang gusali o bahay dahil sa paraan at uri o kalidad na ginagamit sa pagpapatayo ng bahay tulad ng CHB o steel bar.
Sa ginawang ‘Full-Scale Shaking Table Test of Philippine GHB Houses’ ng Japan S & T at JICA, ipinakita dito ang dalawang klaseng itinayong bahay- ang isa ay sumunod sa building code for masonry house samantala ang isa naman ay ang bahay na ginawa lamang ng kamag-anak, kapitbahay, kaibigan o maging ng mismong may-ari ng bahay na hindi naayon sa alituntunin o paraan ng tamang pagtatayo ng bahay.
Napatunayan na naging mas matindi ang nangyaring pagguho ng bahay na hindi sumunod sa tamang paraan at gumamit ng di tamang klase ng materyales. Importante umano na hindi ampaw paglalagay ng semento na nagsisilbing palaman ng hollow blocks. Maging ang paglalagay ng ‘steel bars’ ng pahalang at patayo ay dapat umanong mahaba ang sobra ang dugtungan ng bakal at sa bawat sulok umano ay dapat na naka-l-shape. Actually Sir Tony ay marami pang binanggit si Dir. Solidum na mahahalagang puntos sa pagpapatayo ng isang bahay.
Sa kasalukuyan umano ay mayroon nang pakikipag-ugnayan ang Philvocs sa mga grupo ng civil engineers sa bansa maging sa iba pang grupo na may kaugnayan hinggil sa pagtatayo ng bahay o maging ng mga gusali.
Nilalayon nga ng Philvocs na mabigyang pansin ng bawat lokal na pamahalaan ang mahigpit na pag-iimplementa ng batas o yung Building Code lalo na sa mga barangay na pagpapahintulot ng pagpapatayo ng bahay para na rin sa kapakanan at kaligtasan ng taumbayan.
Panawagan nga ni Dir. Solidum sa mamamayan maging sa bawat City Engineering Office ng mga lokal na pamahalaan na tutukan ang isyung ito lalo na ng paggamit ng mahuhusay o de kalidad na construction materials kung saan ang ‘steel bar’ ay dapat na 10mm ang diameter at 6 inches ang kapal ng CHB.
Subalit higit na mahalaga ayon pa rin kay Solidum na ang proseso o paraan ng paggawa ng mga mason gaya ng tamang timpla o paghahalo ng semento at buhangin ay dapat na nauunawaan at alam ng nagpapagawa ng bahay. Dapat umano ay hindi tuyo ang paglalagay ng semento sa pagitan ng mga hollow blocks at dapat ito ay siksik. Maging ang pag-aagwat ng paglalagay ng ‘steel bars’ patayo at pahalang.
Marami pang ipinaliwag si Dir. Solidum sa ating pakikinapayam kaninang hapon at kasabay nga nito ang panawagan nya sa ating mga kasama sa media na sila ay tulungan na maibahagi ang tamang impormasyon na ito para na rin sa kaligtasan ng mamamayan.