KAUGNAY pa rin sa pabago-bago na desisyon ng Korte Suprema hinggil sa isyu ng petisyon ng labing anim na munisipalidad upang sila ay maging lungsod ay isusumite na ng League of Cities of the Philippines (LCP) ang kanilang Memorandum of Reconsideration bukas ng umaga sa korte suprema.
Tinatayang 600 hanggang 1,000 ang makikiisa sa LCP na pawang Alkalde, Bise Alkalde, mga Konsehal buhat sa iba’t-ibang munisipyo sa bansa kabilang din ang kani-kanilang mga delegado.
Sa ginanap na Special General Assembly sa Century Park Hotel ay idiniin ni Senador Nene Pimentel na ang isyung ito na kinasasangkutan ng hudikatura ay hindi biro. Hindi aniya isang sulat lamang ng isang Toteng Mendoza ang dapat maging basehan ng pagbabago-bago ng desisyon ng Korte Suprema kung saan ay nagkaroon na ng ‘Finality’ o pagsasakatuparan noon pang Nobyembre 2008 na syang unang naging desisyon ng kataas-taasang hukuman sa bansa.
Inaasahan bukas na magsisiluwas sa Maynila ang maraming bilang ng bus. Matatandaan na ang LCP ay binubuo ng 122 City Mayors at sa umaga nga ay magkikita-kita at magsasama-sama sa harapan mismo ng Methodist Church at lalakad patungo sa Korte Suprema na siyang sisimbolo ng pagsasama-sama ng mga alkalde at sumusuporta sa ipinaglalaban ng LCP.
Doon ay magkakaroon din ng ‘signature campaign’ bilang pagkondena nila sa ilang huwes ng Korte Suprema na tumataliwas sa tunay na simbolo ng katarungan.
Sa darating na Marso 14 ay magkakaroon din ng araw ng Panalangin at Protesta habang ang bandila ay naka-‘half mast’ sa bawat munisipyo sa iba’t ibang panig sa bansa.