ANONG EDSA REVOLUTION? Walang rebolusyon na nangyari noong February 25, 1986. Ang naganap ay naibagsak ng pag-aalsa ng mamamayan ang diktadura ni Marcos pero ang namuno ay galing pa rin sa mga elitista.
Naudlot ang dapat sanang rebolusyon na magbibigay ng tunay na ginhawa sa masa. Sinaklot ito ng mga kinatawan ng mga kapitalista, asendero at tradisyonal na politiko na naghali-halili para pagharian ang bayan.
Kaya walang makabuluhang pagbabagong naganap sa 25 taon. Ang naging pamana ng EDSA:
1. Walang tigil na pandarambong sa loob ng Armed Forces of the Philippines. Multi-milyong “pabaon”, “pasalubong”, payola at iba pang sagad-sa-butong panghuhuthot ng mga heneral at pinuno ng militar. Sabi mismo ng ilang heneral sa AFP, nagsimula pa ito sa administrasyon ni Cory Aquino (para pagbigyan ang mga nag-aalburutong militar) at nagpapatuloy hanggang ngayon.
2. Kurakutan at inhustisya sa loob ng Korte Suprema at sa hudikatura. Ibinulgar ni Lauro Vizconde na nagsuhol ng P50 milyong piso ang pamilyang Webb para iabswelto ng Supreme Court si Hubert Webb sa kasong panggagahasa at masaker sa kanyang pamilya.
3. Kawalan ng kapasyahan ng gobyerno na itigil ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Sa kabila nito, ipinag-utos pa ng gobyernong Noynoy ang panibagong mga pagtaas sa presyo ng pamasahe, LRT, toll fees, gasolina at iba pang batayang produkto.
4. Kawalan ng hustisya sa mga magsasaka na patuloy na sinasamantala ng mga asendero. Walang hustisya sa Hacienda Luisita at nakalusot ang pamilyang Aquino-Cojuangco kahit sa pagpapatupad ng sarili nitong batas sa reporma sa lupa (na ipinamana pa ng yumaong Cory).
Kung mayroon mang nabago sa panahon ni Marcos, at kahit sa panahon ni Gloria, ito ay ang pagkakataon na malaman ng taumbayan ang mga kabahuang nagaganap sa gobyerno. Kaliwa’t kanan ang mga pagbubulgar na nangyayari, pero ang tanong ay kung magkakaroon ba ng kalutasan ang lahat ng ito?
Matuto tayo sa nagaganap na People’s Power sa Egypt at maraming bayan sa Middle East. Ang aral ay dapat na ang masa ang mamuno at hindi mga kinatawan lamang ng mga elitista na magpapatuloy ng pandarambong at pagpapahirap sa bayan. Ang hindi natapos na rebolusyon ay dapat ituloy para makamit na ng masa ang inaasam na ginhawa, demokrasya at hustisya!!-30-Julian Zacharias, PLM