“Hindi imposibleng makamit ang kasapatan ng suplay ng palay sa ating bansa sa taong 2013 kung may katulad ng PhilRice na tumutulong maisakatuparan ito,” ayon kay Proceso Alcala, Kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura, sa kanyang pagbisita sa PhilRice CES, Maligaya, Science City of Munoz, Nueva Ecija noong ika-17 ng Pebrero.
Hinikayat niya ang PhilRice na makipagtulungan sa kanya at tuklasin ang mga paraan para makamit ng bansa ang hangaring maging rice self-sufficient o sapat na kanin sa bawat hapag-kainan sa taong 2013.
Sa kanyang pag-iikot, binigyang puri niya ang mga teknolohiya at mga tao sa likod nito sa kanilang matagumpay na pagsasagawa ng mga bagay para makapagpataas ng ani at kita ng mga magsasaka. Kasama na dito ang pagpapadami ng breeder at foundation seeds, gayundin ang mga teknolohiyang pansaka tulad ng controlled irrigation, windmill pump irrigation system, rice husk gasifier engine system, carbonizer-pump system, at postharvest storage system tulad ng saclob.
Nakilala rin ni Alcala ang mga kasalukuyang nagtratraining na Rice Sufficiency Officers o RSOs kung saan nasambit niyang sila ay idedeploy sa mga convergence areas matapos ang kanilang pag-aaral.
Upang suportahan ang programa ng kalihim, ang PhilRice ay nagbigay pansin rin sa pag-aaral at pagdedebelop ng mga teknolohiyang angkop sa mga katihang lugar o ang tinatawag nilang upland areas. Gayundin kabilang narin dito ang mga teknolohiya para sa mga lugar na sahod-ulan at di kaaya-aya.
Sa taong 2012, inaasahan ang paglabas ng dalawang inbred na direct-wet-seeded na barayti na may kakayahang umani ng 10t/ha kung saan maari nitong mapataas ang ani sa mga lugar na may patubig. Maliban dito, inaasahan din ang paglabas ng dalwang hybrid na barayti na may kakayahang umani ng 12t/ha sa taong 2012 hanggang 2014. Inutos din ni Alcala na bilisan at paramihin na ang binhi ng barayting NSIC Rc222 kung saan mataas itong umani sa mga lugar na may patubig at sahod-ulad.
Ang mga makinaryang tulad ng mechanical rice transplanter, combine harvester, reversible airflow dryer, at electronic grain color sorter, ay ipropromote at ibebenta na sa merkado sa susunod na mga araw.
Sa pamamagitan ng mga teknolohiyang ito mas malaki ang tiyansa na tumaas ang ani at kita ng mga magsasaka kung saan magiging dahilan ito ng pagbaba ng importasyos ng bansa. Kung kaya’t muling hinikayat ni Alcala ang PhilRice namabilisiang ilapit na ang mga teknolohiyang ito sa mga magsasaka.-30- Maria Adrielle Solsoloy, PhilRice