Pinadali at pinabuti na ngayon ang pagsasabog tanim sa tuyong lupa. Sa mga lugar na sahod-ulan, karaniwang isinasabog na lamang ang tuyong binhi sa tuyong lupa. Subalit, sa paraang ito, nagiging problema ang pagtubo ng damo, gastos sa binhi at mas mababang ani. Sa pakikipag-ugnayan ng PhilRice Batac sa mga LGU, nabago ang tradisyunal na pagsasabog tanim upang matugunan ang mga problemang ito. Ito ang tinatawag na Modified Dry-Direct Seeding Technology o MDDST.
Sa teknolohiyang ito, inihahanda kaagad ang lupa pagkatapos anihan sa tag-araw upang mapakinabanagan ang maagang ulan sa Hulyo at Agosto at makaani rin ng maaga upang hindi masalanta ng bagyo ang mga pananim. Ihanda ang lupa ng maigi upang lumantad ang mga buto ng damo sa araw at matuyo. Mas maganda rin ang pagtubo ng binhi kung napapinong mabuti ang lupa.
Maglagay ng sampung sako ng organikong abono para sa basal kung hindi nasuri ang lupa. Gumawa ng tudling na may 20 sm layo sa pamamagitan ng lithao o araro na walang moldboard. Ihasik kaagad ang mga pinatubong binhi sa bandang hapon. Takpan agad ang mga ito sa pamamagitan ng araro na hinihila ng kalabaw sa palihis o diyagunal na direksyon ng mga tudling.
Ayusin ang mga lagusan ng tubig, palagiang imonitor ang mga peste at gawin ang integrated pest management. Anihin ang mga palay kung 80% ng mga butil nito ay hinog na.
Para sa karagdagang impormasyon, sumangguni sa Philippine Rice Research Institute o PhilRice, Maligaya, Science City of Muñoz, Nueva Ecija sa telepono bilang (044) 456-0285 loc 513 o 212. Maaari ring magsadya sa PhilRice Batac, Batac, Ilocos Norte o tumawag sa telepono bilang (077) 792-2545. Maaari magtext sa PhilRice text center sa numerong 0920-911-1398.-30- Maria Adrielle Solsoloy, PhilRice