GINANAP ang paglulunsad ng “Health Conscious Program” ng Department of Agrarian Reform sa pakikipagtulungan din ng DAR Employees Association (DAREA) at DAR Multi-Purpose Cooperative (DARMPC) nitong Pebrero 15, 2011.
Sa ginanap na aktibidad ay nagbigay ng Panalangin ang Pangulo ng DAREA na si Antonia H. Pascual samantalang si Dra. Leilani V. Rosales, Medical and Dental Unit Head ang nagpakilala sa tagapagsalitang si Lt. Col. Maybelle Yanuaria, MD, isang Diabetologist ng Arm Forces of the Philippines o mas higit na kilala bilang V. Luna Hospital, na siyang tumalakay ng “Updates on Diabetes”.
Sinasakihan din ang nasabing programa ng mga opisyal ng DAREA, DARMPC gayundin ng ilang kawani ng nasabing Kagawaran. Ayon kay Dra. Rosales noong nakaraang taon pa ito pinaghandaan ng pamunuan ng DAR kasama ang mga lider ng organisasyon. Sa katunayan aniya ay nagsagawa ng ‘survey’ ang kanyang Medical and Dental Unit team at napag-alaman nilang 72 sa 800 empleyado ng DAR ang positibong ‘diabetic’ samantalang 127 naman ang may ‘hypertensive cases’.
Matatandaan na kamakailan lamang ay pumanaw si Director Nelson G. Genito sanhi ng ‘highblood’ at marami pang ibang empleyado na nagkakaroon din ng sakit na ‘diabetes’ at ‘high pertension’. Sa hindi magandang pagkakataon pa sa mga empleyado ng DAR na minsan ay nagreresulta pa ito ng ‘stroke’ at pagkamatay.
Sapagkat ang DARMPC ay nangangasiwa ng kantina o pagkain ng buong Kagawaran kung kaya ang pagkakaroon ng ‘Health Conscious Corner’ sa kantina ay kanila nang ipapatupad araw-araw at ito ay tinagurian nilang “HAPPY Champ” o “Health Awareness Program for DAR Personnel” na mapagtagumpayan ang mabuting kalusugan ng pangangatawan ng mga kawani ng DAR na sinisimulan nila ngayong 2011.
Layunin umano nito na matutunan at mapagtagumpayan ng mga kawani na pangalagaan ang kanilang kalusugan sa pamamagitan ng pagkain ng tama na syang magiging malaking bahagi ng DARMPC upang makakain ang mga empleyado batay na sa kanilang edad at sitwasyong kalusugan.
Hindi lamang ang paglulunsad ng Health Conscious Corner ang inaasahan ng mga kawani ng DAR na kanilang mararanasan kundi maging libreng ‘aerobics’ o pag-eehersisyo upang bumuti ang kalusugan at pangangatawan ng mga kawani ng nasabing kagawaran.-30-