DAR PATULOY SA PAGSERBISYO SA PUBLIKO
SA tuwinang dumaraan tayo sa Elliptical Circle nakikita natin ang malayang pagpapahayag ng mga magsasaka sa harapan ng Department of Agrarian Reform (DAR). Hindi dahil wala ginagawa ang nasabing ahensya para sa kapakanan ng mga mahihirap natin magsasaka kundi talagang hinahayaan ng DAR na maipahayag ang kanilang hinaing sa pamahalaan ngunit nananatiling bukas ang tanggapan upang marinig ang kanilang mga reklamo at pangangailangan sa kanilang mga lalawigan.
Ano nga ba mayroon sa DAR upang hindi lang ito puntahan ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang panig ng bansa? Kapansin-pansin din na takbuhan din ito ng mga kapatid natin sa trabaho dahil ito ang sentro ng Lungsod Quezon ng mga ahensiya ng pamahalaan. Higit sa lahat dito rin ang itinuring nang ‘tahanan ng media’ hindi lamang dahil masarap gumawa ng istorya dahil tahimik at nasa kanilang ‘Press Office’ ang lahat ng pangangailangan ng isang media. Mula sa telepono na ginagamit pang-report ng mga ‘field reporters’, ‘computers’ at ‘internet access’ na ipinagkaloob ng Public Affairs Services (PAS) sa pangunguna ni Director Hugo “Buboy” Yunzon.
Ano pa nga ba ang hahanapin ng isang media na tulad ko? Bukod sa sapat na pasilidad at serbisyo kundi maging pantawid gutom na ibinibigay ng ahensya. Subalit talagang may mga tao o grupo na animo asal ‘amo’ ang turing sa kanilang mga sarili. Mukhang nakakalimutan nilang sila ay nakikibahay o nakikisuyo lamang din sa nasabing ahensya.
Sa abot ng aking kaalaman at sa pakikipanayam namin sa butihing Kalihim ng DAR ay bukas ang kanilang tanggapan sa pagseserbisyo gayundin sa mga pasilidad na maaring tamasahin hindi lamang ng mga kasama natin sa hanapbuhay kundi ng publiko sa kabuuan na sya namang ginagawa ng nasabing ahensya.
Sinasabi ko ito hindi dahil nakikinabang ako sa DAR kundi isa rin akong dating kawani ng DAR na higit na nakababatid ng mandato na syang ginagawa ng bawat empleyado ng DAR. Madalas, huwag nating tignan ang maliliit na bagay na hindi karakarakang naibigay sa atin o nagawa kundi ang mas higit nating timbangin ay ang serbisyo sa bayan na patuloy na ginagawa ng kagawaran para maiangat ang antas ng buhay ng bawat magsasaka sa pamamagitan ng imprastrakturang mga proyekto, kabuhayan at tulong pinansyal na ibinibigay.
Bilang isang mamahayag, gamitin natin ang ating talino, lakas at impluwensya hindi para sa mga personal nating kabutihan. Pasintabi sa mga kasamahan ko, ilan sa mga yan ay kapag walang ganansyang makukuha kahit mahalaga ang istorya at sangkot ang kabutihan ng bayan hindi yan pag-iinteresang ilabas o puntahan ang ‘Press Conferences’. Bakit hindi natin gamitin ang ating segmento o kolum sa mas kapaki-pakinabang na bagay? Hindi na ito usapin ng isang tao, grupo o ahensya lamang . . . ito ay isyu na ng bansa na dapat sama-sama nating labanan ang patuloy na pagtaas ng gasolina, kuryente at tubig na syang pangunahing kailangan ng bayan. Kahirapan ang dahilan ng pagkamatay ng marami nating kababayan na resulta ng pagkagutom at pagkakasakit.
Ang DAR ay isa lamang sa ahensya ng pamahalaan na walang humpay sa paghanap ng solusyon upang sinsero at makatotohanan maihatid at maramdaman sa mga lalawigan ang kagustuhan ng pamahalaan na maiangat ang buhay ng bawat magsasaka sa kanayunan.
Impormasyong totoo hango sa mga namumuno ng mga ahensya ng pamahalaan ang dapat nating ipahatid sa publiko upang malaman nila ang tamang hakbang at proseso upang makamtan nila ang programa ng pamahalaan. Hindi ang banatan ang mga lider ng kagawaran na nagpapala dahil lamang sa personal na kadahilanan. Cathy Cruz DWAD Lingkod Bayan at PSciJourn Mega Manila.-30-