Isang makabagong hurno para sa paggawa ng palayok ang pormal na inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) sa Barangay Pahanocoy, Bacolod City. Layunin ng proyekto na palakasin ang kabuhayan ng mga lokal na magkukulay at wakasan ang usok na sanhi ng polusyon sa hangin at mga problema sa kalusugan.
Ang mahigit PHP 2.97 milyong halaga ng gas-fired kiln o hurno ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng DOST’s Grants-in-Aid program. Ito ay kapalit ng tradisyonal na paraan ng pagsunog gamit ang apoy sa labas, na dating nagdudulot ng “zero visibility” at mabigat na usok sa paligid, ayon sa mga ulat ng mga residente at mga artisan mismo.
Ayon kay Barangay Captain Yolanda Noble, malaki ang naitulong ng bagong hurno. “Dahil dito, may plano pa kami na i-level up ang production ng pots dito sa Barangay Pahanocoy,” aniya.
Dagdag pa ni DOST Undersecretary for Regional Operations Engr. Sancho Mabborang, ang hurno ay de-LPG kaya malilinis ang mga palayok na nagagawa.
Ipinaliwanag naman ni DOST 6 Regional Director at DOST Negros Island Region Officer-in-Charge Rowen Gelonga ang mga pakinabang ng upgraded na hurno at kung paano ito naiiba sa tradisyonal na paraan ng pagsunog.
“Sa isang araw, maaari itong gamitin nang hanggang tatlong beses—apat na oras para sa pagsunog at apat na oras para sa paglamig. Kapag lumamig na, maaari nang magluto ng panibagong set ng mga palayok. Mapapakinabangan nang lubos ang hurno sa pamamagitan ng tatlong pagssunog sa isang araw,” paliwanag niya.
Nabanggit ni Dir. Rowen Gelonga, “Yung dating pamamaraan nila ay hanggang 300°C hanggang 400°C lamang, kaya hindi naaabot ng mga palayok ang tinatawag na ‘calcination point’ kung saan nagbabago ang istruktura ng luwad… Kapag naabot ito, de-kalidad na talaga ang produkto. Ang bentaha ng [bagong] hurno na ito, dahil umaabot ito ng mahigit 1,000°C, ay kaya na nilang gumawa ng iba pang produktong mas mataas ang kalidad, depende sa mga materyales na maaari nilang makuha.”
Ginanap ang pag-upgrade ng Terracotta Pottery Industry sa Barangay Pahanocoy kasabay ng Handa Pilipinas Visayas Leg sa SMX Convention Center sa Bacolod City, na pinagsama-sama ang mga pambansa at lokal na opisyal, mga kasosyo sa teknolohiya, at mga benepisyaryo ng komunidad.
Ang makina, na may kakayahang magsagawa ng hanggang tatlong firing sa isang araw at umabot ng higit 1,000°C, ay nagbubunga ng mas de-kalidad at malilinis na palayok. Sinabi ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. na maganda ang kalidad ng mga palayok at maaari ring gamitin ang pasilidad para gumawa ng mga brick para sa fishpond at salt pond.
Ang pasilidad ay may 2-cubic-meter na hurno na de-gas, na may kapasidad na hanggang 130 palayok, depende sa laki. Pumalit ito sa tradisyonal na paraan ng pagsunog sa labas, na dating sanhi ng mabigat na usok at polusyon sa hangin sa nasabing lugar. Ang pasilidad ay gawa ng RU Foundry and Machine Corporation.
Ang proyekto ay ipinatupad sa pakikipagtulungan ng Barangay Pahanocoy local government, ang City Government of Bacolod, at ang Katilingban sang Mininihon sang Pahanocoy (KAMIPA)—isang pangkat ng 29 na magkukulay na angkan. Ang gusali na pinaglalagyan ng hurno ay mula sa lokal na pamahalaan.
Ang seremonya ng paglulunsad ay ginanap noong ika-27 ng Oktubre, 2025, na dinaluhan ng mga pinuno ng DOST at ng lokal na pamahalaan. Ang inisyatibong ito ay bahagi ng mas malawak na adhikain ng DOST na magbigay ng mga solusyong batay sa agham at teknolohiya upang mapabuti ang kabuhayan at mapangalagaan ang kapaligiran at lokal na kasanayan.#



