Sa isang hakbang upang patatagin ang kampanya laban sa burukrasya, hinirang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Dr. Lea-Grace B. Salcedo bilang bagong Deputy Director General para sa Operations ng Anti-Red Tape Authority (ARTA).
Pormal na nanumpa sa tungkulin noong ika-9 ng Oktubre si Undersecretary Salcedo, na itinalaga ng Pangulo noong ika-6 ng Oktubre 2025. Pangangasiwaan niya ngayon ang Operations Group ng ahensya, isang mahalagang sangay na nangangasiwa sa pagpapatupad ng mga reporma upang gawing mas mabilis at maayos ang serbisyo publiko.
Dadalhin ni Usec. Salcedo sa kanyang bagong posisyon ang malawak na karanasan sa loob ng ARTA mismo. Bago itong mataas na paghirang, nagsilbi muna siya bilang Director IV para sa Finance and Administration Office simula noong Setyembre 2024, at bago pa roon, bilang Regional Chief ng ARTA Northern Luzon Regional Field Office simula Enero 2024.
Hindi rin baguhan sa iba’t ibang larangan si Undersecretary Salcedo. Naglingkod din siya sa National Security Council at nagturo bilang isang sibilyang propesor sa Philippine Military Academy.
Patunay sa kanyang kahandaan sa tungkulin ang kanyang mga pinag-aralan. Siya ay may Doctor of Philosophy in Management mula sa University of the Cordilleras, Bachelor of Laws and Letters mula sa University of Baguio, Master of Science in Public Management, at Bachelor of Arts in Economics mula sa Saint Louis University. Kasalukuyan pa rin niyang pinag-aaralan ang Master in Public Administration major in Regulatory Management Systems sa Pampanga State University.
Dagdag pa rito, patuloy siyang nagsasagawa ng mga espesyalisadong pagsasanay tulad ng Security Studies, Project Management, at Monitoring and Evaluation Program mula sa mga kilalang institusyon.
Sa kanyang pamumuno, pamamahalaan niya ang Operations Group na binubuo ng Compliance, Monitoring and Evaluation Office (CMEO) at ng Better Regulations Office (BRO). Ang kanyang tanggapan ang siyang pangunahing responsable sa pagsusulong ng mga programa ng ARTA at sa mabisang pagpapatupad ng mga reporma upang mapabuti ang mga proseso sa gobyerno.
Nagpahayag ng mataas na pag-asa ang buong pamilya ng ARTA na sa ilalim ng pamumuno ni Undersecretary Salcedo, mas lalo pa nilang mapagtatagumpayan ang kanilang mandato. Ang paghirang na ito ay bahagi ng direktiba ng Bagong Pilipinas na paigtingin ang kahusayan ng burukrasya at sa huli ay mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino.#




