Pormal nang nagkaisa ang Philippine Space Agency (PhilSA) at ang Geodetic Engineers of the Philippines (GEP) upang paigtingin ang paggamit ng teknolohiya mula sa kalawakan at geospatial na datos para sa pag-unlad ng bansa. Ang kolaborasyong ito ay pinagkasunduan sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan noong ika-7 ng Oktubre, 2025.

Layunin ng pinagsamang hakbangin na gamitin ang Space Science and Technology Applications (SSTA) at mga geospatial na kagamitan para suportahan ang mga programa sa disaster risk reduction at management (DRRM), proteksyon ng kalikasan, pagmomonitor ng agrikultura, at sustainable na pamamahala ng lupa at mga likas na yaman.
Ayon sa kasunduan, magbabahaginan ng kaalaman at datos ang dalawang ahensya. Ang GEP ay magbibigay ng teknikal na input at mga larawan mula sa drone, samantalang papanagutan naman ng PhilSA ang pagbuo at pamamahala ng mga space-enabled na tools at aplikasyon, kabilang ang pagproseso at pagbabahagi ng mga satellite imagery.
Upang masiguro ang matagumpay na pagpapatupad, bubuo ng isang technical working group (TWG) ang magkasanib na puwersa. Sila ang mamamahala sa pagtukoy ng mga pilot area, pagsasama ng datos mula sa GEP sa mga platform ng PhilSA, at pagpapatupad ng mga aktibidad para sa capacity-building.
Ang pag-iintegra ng impormasyon mula sa kalawakan at sa lupa ay inaasahang makalilikha ng mas komprehensibo at mabisang mga insight upang suportahan ang pagpaplano, paggawa ng desisyon, at paghubog ng mga polisiya para harapin ang mga hamon sa bansa.
Ang mga lumagda sa kasunduan ay sina PhilSA Deputy Director General Ariel C. Blanco, GEP National President Romeo P. Versoza, at Immediate Past National President Raymund Arnaldo S. Alberto.#




