Patuloy na lumalawak ang naaabot ng Salin Program ng Manila Water na ngayon ay umabot na sa mahigit 300 mga guro mula sa mga paaralan sa East Zone ng Kalakhang Maynila. Nagsisilbi itong masiglang plataporma para sa edukasyon pang-kalikasan at pakikipag-ugnayan sa komunidad.
Layon ng Salin Program, na ang kahulugan ay ‘paglipat’ o ‘pagsalin’, na patatagin ang mga guro ng pampublikong elementarya bilang mga tagapagtaguyod ng tamang pangangalaga ng tubig at sanitasyon. Mula nang ilunsad ito noong 2023, tuluy-tuloy ang paglago ng programa. Noong unang taon nito, 57 mga guro mula sa 14 na paaralan ang naging bahagi sa pamamagitan ng apat na batch. Naging mas malaki ang paglawak nito sa sumunod na taon, kung saan 166 na guro mula sa 57 paaralan ang nakibahagi sa 14 na batch.
Ngayong ikatlong taon ng programa, mas lalo pa itong kumakalat. Mula Enero hanggang Agosto ng kasalukuyang taon, siyam na batch na ang naisagawa, kung saan 149 na mga edukador mula sa 45 na paaralan ang lumahad. Dahil may mga nakatakda pang sesyon sa mga susunod na buwan, umabot na sa kabuuang 372 ang bilang ng mga kalahok.
Sa pamamagitan ng kumbinasyon ng mga teknikal na sesyon, interaktibong palihan, at mga gawaing paglubog sa watershed, binibigyan ng Salin ang mga guro ng praktikal na kaalaman at kagamitan upang maipasok ang adbokasiya para sa tubig at sanitasyon sa kanilang pagtuturo at mga inisyatiba sa paaralan. Ang programa, na isinasagawa sa pakikipagtulungan ng Department of Education – National Capital Region, ay sumusuporta rin sa mas malawak na hakbangin ng Manila Water na magtayo ng mga komunidad na may lakas laban sa klima sa pamamagitan ng edukasyon at pagtutulungan.
Ayon kay G. Jeric Sevilla, Direktor ng Communication Affairs Group ng Manila Water, “Ang ating mga guro ay mahalagang kaagapay sa pagpapaintindi sa susunod na henerasyon tungkol sa kahalagahan ng pangangalaga sa ating mga pinagkukunan ng tubig, kabilang ang mga watershed, at sa pagsasagawa ng tamang sanitasyon. Sa pamamagitan ng Salin, nais nating suportahan sila sa pagdadala ng mga araling ito sa kanilang mga silid-aralan at komunidad.”
Habang patuloy na lumalawak ang Salin, inaasahang lalo pang pagtitibayin ng Manila Water ang pakikipag-ugnayan nito sa mga edukador at paaralan upang hubugin ang isang mas sustainable na kinabukasan.#




