Mariing tinutukan ng isang non-government organization ang mainit na pagtataluhan ng Senado at House of Representatives kaugnay ng mga paratangang korapsyon, at iginiit na ang mga ito ay bahagi lamang ng “political theater” o pagtatanghal upang takpan ang mas malalim na sistemang korapsyon na kinasasangkutan ng dalawang kapulungan.
Ayon sa Center for People Empowerment in Governance (CenPEG), ang pagbabatuhan ng mga akusasyon sa pagitan ng Senado at Kamara de Representantes ay isang malaking pagtatanghal upang ilihis ang atensyon ng publiko sa katotohanang pareho silang sangkot sa sistematikong pagnanakaw ng pera ng bayan.
“Ang ipinaparada bilang ‘laban sa korapsyon’ ay sa katotohanan, walang iba kundi isang political theater upang takpan ang mas malalim na katotohanan: ang dalawang kapulungan ay matagal nang kasabwat sa sistematikong pagsamsam ng pera ng taumbayan,” pahayag ng CenPEG.
Binigyang-diin ng grupo na hindi maloloko ng mga ganitong palabas ang mamamayang Pilipino, na batid na ang mga pork-barrel insertion, “errata,” at mga backroom budget deal ay mga karaniwang kasanayan na ng Kongreso—maging sa ilalim ng balatkayong “oversight” o “representation.”
“Ang palitan ng putukan ay nagpapatunay lamang sa nakita na ng taumbayan: ang korapsyon ay hindi lamang sa iisang kapulungan kundi sa buong sistemang pampulitika,” dagdag ng pahayag.
Tinukoy din ng CenPEG ang “nakababahalang” postura ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagpapakita ng kawalang-kaalaman at inosensiya samantalang ang kanyang administrasyon ay nakikinabang sa kulturang ito ng pananagutang-pulis. Anila, ang kanyang katahimikan at pagkunwaring walang kinalaman ay pagtataksil sa bayan—pagpili sa political convenience kaysa sa pananagutan.
Gayunpaman, kinilala ng grupo na ang mabilisang pagpapalitan ng impormasyon at ebidensya ukol sa korapsyon sa mga pagdinig ay maaaring magsilbing kasangkapan para sa taumbayan at mga organisadong sektor upang palasakin ang kamulatan, ilantad ang sistematikong katiwalian, at ihanda ang daan para sa kolektibong aksyon.
Giit ng CenPEG, wala nang ibang paraan para wakasan ang kalakarang ito kundi sa pamamagitan ng organisado at tuloy-tuloy na mga protesta upang gibain ang istruktura ng burukratang kapitalismo.
“Ang tunay na pananagutan ay nangangahulugan ng pagpaparusa sa mga corrupt na kongresista, senador, at opisyales—pagkakulong, pagsamsam sa kanilang bilyun-bilyong ninakaw na yaman, at ang direktang paggamit nito upang ayusin ang malawakang pinsalang idinulot sa bansa,” diin ng grupo.
Lalong idiniin ng CenPEG ang agarang pangangailangan nito, lalo’t patuloy na pinapasan ng ordinaryong Pilipino ang bigat ng 12% value-added tax, withholding tax sa kakarampot na sahod, mga bayarin sa lokal na pamahalaan, at mga pagbabayad para sa malupit na pasanin ng foreign at domestic debt—na lalong pinalala ng katiwalian.
“Ang pamamahala ay hindi isang laro ng sisihan. Ang bansa ay nangangailangan ng systemic change upang gibain ang graft, political patronage, at elite plunder. Hangga’t walang pagbabago, ang taumbayan ang patuloy na magpapasan ng halaga ng isang corrupt na sistema na naglilingkod sa mga dinastiya imbes na sa kapakanan ng bansa,” pagwawakas ng pahayag.
Nanawagan ang CenPEG sa mamamayang Pilipino na manatiling vigilant, igiit ang transparency, at huwag magpadala sa mga distraction ng political drama. Giit nito, ang tunay na pananagutan ay makakamit lamang kung ang galit ng taumbayan ay mababago sa organisadong aksyon—tuloy-tuloy na public pressure at kolektibong pagkilos.#




